Sa gabing lahat ay nakatingala sa nagsanib na luna at tala,
kaniyang-kaniyang kuha at puwesto ng kamara.
Hinihintay ang anino, sabik sa kaniyang pagpatong,
ang walang imik na buwan, handang magpakain,
at ito namang tala, handang sakupin,
lunurin ang buong pagkatao.
Sa mga gabing nagsasanib ang luna at tala,
lahat ng mata'y nakapako sa alon ng langit,
mapang-akit na kulay ng pag-iisang dibdib,
kahil.
Bagama't hindi tulad ng mga taong pilit
na gumuguhit sa langit gamit ang mga tuldok na liwanag,
lumilisan ang tala, at maiiwang mag-isa ang luna.
Marahil ubos na ang kulay kahil, ang sabik sa pagpatong,
ang init ng pag-iisang dibdib
o kaya'y hindi na kaya ang pawis ng init,
o kaya'y nais nilang mapag-isa,
hiwalay sa hinagpis ng bawat isa.
Malamang naisip nila ang pagsanib ay hindi sining
para sa kimat ng kamara o sa mga matang
nalipasan na ng panahon.
Ang pag-iisang dibdib, maaaring mainit,
nakapapaso, nakalulunod sa anino,
kagaya ng mga gabing lumisan ang tala,
hindi naghabol ang luna,
at hindi tuluyang nagpatupok sa init
dahil lamang sa mga matang sugapa sa
kahil.

Comments
Post a Comment