Skip to main content

Dilim















Noong ang mga bituin ay aliptaptap pa lamang sa paligid ng buwan
Buwang labis ang siyang pagkukubli sa liwanag
Liwanag sa aking mata'y humalik, bumulong, nais magpaliwanag
Magpaliwanag kung bakit mayroong maitim na ulap
Ulap na kinain ang buwan at mga tala
Talang wala na sa paningin ng namumunti kong mga mata
Mata ng anghel na naimulat sa dilim
Dilim, dilim, sa dilim.
Itim, hindi puti, at sa mataimtim na gabi sa bibig ko'y namumutawi
Ang sikip, ang init, walang hangin, puro pasakit
Hagikhik ng mga daga, palaka, tubig sa estero, at ilan pang hindi maibanggit
Itim, hindi puti, at sa plastik na nakabalot sa munti kong katawang ikinamuhi
Nagpakasarap ka sa gabi ni di man lang inisip ang mangyayari
Isang gabi ng kasiyahan, siyam na buwang pighati
Ako'y punla ng inyong walang katapusang pagmamahalan, ngunit bakit ako'y nakaukit
Bilang pasakit, pasakit, pasakit.
Dugo't laman mo ako, pero basura ang turing mo
Basura na sa paglipas ng taon ay kukupas, pagsasaluhan ng mga insekto
Basura na lalason ng konsensya mong saan mo nakuha
Sa ama kong piniling bumalik sa pagiging binata?
Ang usok ng inyong pagmamahalaan ay ang maitim na ulap
Ulap na kinain ang buwan at mga tala
Talang wala na sa paningin ng namumunti kong mga mata
Mata ng anghel na naimulat sa dilim
Dilim, dilim, sa dilim.

Comments