Habang hinahati ng bangka ang dagat, akin namang hinahaplos ito.
Inihehele ang dampi ng kamay sa pisngi ng dagat.
Ang iyak ng dagat ay hindi maalat.
Ito'y lasang pilak, tila'y nagdurugo.
At kung hihinto ako, hindi hihinto ang paglagas ng mga sanga,
Ang pagkupas nitong bangka,
At ang mga hininga.
Bago pa man tuluyang mabiyak ang dagat,
Nais ko sanang ipadama ang aking palad,
Ang pag-ibig na naningas sa buwan,
Ang pangako sa sobre na sinara ng panis kong laway at hininga.
Nais ko sanang ipadama ang galit ng aking pag-ibig,
At ang puwang sa pusong hinukay at pupunan mo.
Ikamamatay ko ang espasyo sa puso kung 'di pupunan ng mga pagod na alaala
At ang pagbanggit ng 'yong dalawang katagang pangalan na lamang ang aking pahinga.
Comments
Post a Comment