Skip to main content

Padyak


                                                Isang bukas na walang araw. Nilamon pati

ang buwan ni Bakunawa. Nangangapa sa dilim ng kalsada. Sa labas ng rehas

ng pandemya magtatanong: kung wala namang sakay, ano nga ba ang pagpapasada?

Ang padyak na nirentahan, ang sasakyang may anim na paa ay walang mahagilap

na barya para sa sardinas, isang supot ng tinapa, isang takad ng bigas. Ako ay umiiyak

na ng pawis. Lahat ay may bagong mukha. Lahat ay pagong. Lahat ay ipis sa imburnal.

Lahat ay nangangapa. Isang sakay, isang sinko. Ngayon ay sampu na ngunit ni isa wala.

Lahat ay may bagong mukha.

                                                Mauuna sa tenga. Tutupiin sa ilong. Hihilahin pababa.

Isang hinga. Isang kubli. Isang suot ng maskara. Itim o puti. Polka dot o pasyonista.

Tanging mata na lamang ang nangungusap. Ako at ang aking pasahero sa magkabilang

rehas ng pandemya ay may bagong mukha. Kita ang noo. Nguso ang mata. Ang garapong

nakasabit sa gilid ay ang bagong palad.  Sa taginting ng bayad magtatanong:

Alam ko ang pasikot-sikot, saan sila ihahatid nagbago man ang mga mukha

datapatwa’t hindi alam paano ihatid ang sarili, sa’n ba ako papunta?

Lahat ay pagong.

                                                Hindi pagod. Kundi pagong. Hindi sa nagtatago.

Hindi rin sa takot na matarakan ang ilong ng straw ng softdrink. Waring pagong kung

pasanin ang lahat ng pagkukulang at kabiguan ng mga taong nakapaskil ang larawan sa

anumang sulok subalit nasa kapitolyo, nakaupo sa silya, at tulog. Mula sa sampung kaso

hanggang sa ‘di mabilang ng daliri. Kami ay makasalanan. Kasalanan ang lumabas

at maghanap-buhay. Kami ay pasaway. Bakit walang maskara at sapat na ang panyo?

O gawa-gawang maskara? Wala kaming maskara ngunit nakita ay ang pagiging

mapamaraan namin. Lahat ng mali ay dahil sa amin. Ito ang tanging pelikula

sa bansa na ang bitkima ay ang kontra-bida.

Lahat ay ipis sa imburnal.

                                                Bilanggo sa parisukat na gawa sa dahon ng niyog.

Sa una ay masaya kuno home sweet home hanggang sa pumagaspas ang pakpak

ng mga paruparo sa tiyan. Bawal lumabas. Ngunit nahinto ba ang pagaspas? Nanatili

kami sa yungib ng walang ilaw. Nakakadena sa bahay-kubo na walang sigarilyas, upo’t

kalabasa ni isang lata ng sardinas. Wala kami sa bakasyon. Dalawang kahig, isang tuka

sa unang araw, ngayon ay ipis na sa imburnal.

Lahat ay nangangapa.

                                                Hanggang kailan mangangapa sa pagpapasada.

Hindi sapat, hindi sapat ang flashlight. Hindi sapat ang maghintay. Huwag sisihin

ang apoy na umaalab sapagkat lahat na ay mabagsik na hangin. Kung kalbo na

ang bundok, pati buto ipanggagatong. Hirap tayo gumalaw dahil hindi tayo pinapagalaw.  Pero mangapa pa rin at kung kailangan ngatngatin ang rehas. Ngatngatin. Nais natin ang bukas na may araw. Ang Bakunawa ay pinagandang buwaya lamang. Hindi na magiging mahalaga kung saan tayo papunta kung wala na ang ating uuwian.

Comments

Popular posts from this blog

Dilim

Noong ang mga bituin ay aliptaptap pa lamang sa paligid ng buwan Buwang labis ang siyang pagkukubli sa liwanag Liwanag sa aking mata'y humalik, bumulong, nais magpaliwanag Magpaliwanag kung bakit mayroong maitim na ulap Ulap na kinain ang buwan at mga tala Talang wala na sa paningin ng namumunti kong mga mata Mata ng anghel na naimulat sa dilim Dilim, dilim, sa dilim. Itim, hindi puti, at sa mataimtim na gabi sa bibig ko'y namumutawi Ang sikip, ang init, walang hangin, puro pasakit Hagikhik ng mga daga, palaka, tubig sa estero, at ilan pang hindi maibanggit Itim, hindi puti, at sa plastik na nakabalot sa munti kong katawang ikinamuhi Nagpakasarap ka sa gabi ni di man lang inisip ang mangyayari Isang gabi ng kasiyahan, siyam na buwang pighati Ako'y punla ng inyong walang katapusang pagmamahalan, ngunit bakit ako'y nakaukit Bilang pasakit, pasakit, pasakit. Dugo't laman mo ako, pero basura ang turing mo Basura na sa paglipas ng taon ay kukupas, pag...