Skip to main content

Sa Jeepney


Tatlong segundo na lang, dalawa, hanggang maging isa
Pitik ng segundo na lang ang natitirang oras para umasa
At sa ngayon, gayong napagtantong panahon na para magpalaya
Ayoko na sa damdaming ako lang ang nakakulong
Malaya ka sa simula pa lamang, habang ako'y lulong na lulong
Sa hindi matapos tapos na pagmithi ng mga imposible.
Ako'y sawa na, oras na para ilabas sa yungib ang sarili. 

Iiyak ka, hindi dahil sa lungkot at lalo namang 'di sa akin
Iiyak ka, hindi dahil sa mawawala ako sa 'yong paningin
Iiyak ka, hindi dahil sa kirot ng pagkawala kong parang buhangin
Iiyak ka, dahil wala nang magpapaalala sa 'yo
Iiyak ka, dahil wala nang magpapaganda sa 'yo
Iiyak ka, dahil wala nang magbibigay sa 'yo
Iiyak ka, dahil wala nang magsasakal sa 'yo.

Ang pagpatak ng mga butil galing sa mata ay maririnig
Sa taas nitong bundok at sa babang lupang dinilig
Ang hagikhik ng iyak at mga pagsasamong tinig
Malaya ka, maging masaya ka na, gusto ko na ring lumipad
Hindi na ako ang tubig sa lawang tinitingala ang buwang walang katulad
Hindi ang tubig na laging magpapakita ng repleksiyong walang katumbas
Repleksiyong laging pupuna sa kagandahan mong walang kupas
Hindi ako yung kuwintas sa aparador mo
Sa masikip na lugar, pinag- iindakan mong itago
At hindi rin ako yung hikaw mo sa lumang kahon ng 'yong lolo
Hinding hindi na ako magiging katulad nila
Na isinusuot lamang para magmukha kang maganda
Para purihin, sambahin, habang ako'y nagmukhang tanga
Hindi na ako yung bagay na itatago mo lang na nakanganga.

Itapon mo na rin ang itim at badoy na jacket
Itapon at sunugin mo na ako sa maalikabok na kwarto'y nakasabit
Gusto kong mawala, kaysa makalimutan 'pag taglamig ay naghagupit
Takot kang isuot ako at sa gabi'y ika'y yakapin nang napakahigpit
Yayakapin ng pagmamahal ko hanggang sa ika'y mamilipit.
Hindi na ako yung jacket na nilalanggam sa 'yong cabinet
Sa gabing matamlay, hindi na ako yung magbibigay sa 'yo ng init.

Ayaw kong nakakulong nang mag isa
Ayaw kong nakarehas nang mag isa
Ayaw kong ituring na mahalaga
Ang gusto ko ay mahalin at ituring sinta.

Comments

Popular posts from this blog

Dilim

Noong ang mga bituin ay aliptaptap pa lamang sa paligid ng buwan Buwang labis ang siyang pagkukubli sa liwanag Liwanag sa aking mata'y humalik, bumulong, nais magpaliwanag Magpaliwanag kung bakit mayroong maitim na ulap Ulap na kinain ang buwan at mga tala Talang wala na sa paningin ng namumunti kong mga mata Mata ng anghel na naimulat sa dilim Dilim, dilim, sa dilim. Itim, hindi puti, at sa mataimtim na gabi sa bibig ko'y namumutawi Ang sikip, ang init, walang hangin, puro pasakit Hagikhik ng mga daga, palaka, tubig sa estero, at ilan pang hindi maibanggit Itim, hindi puti, at sa plastik na nakabalot sa munti kong katawang ikinamuhi Nagpakasarap ka sa gabi ni di man lang inisip ang mangyayari Isang gabi ng kasiyahan, siyam na buwang pighati Ako'y punla ng inyong walang katapusang pagmamahalan, ngunit bakit ako'y nakaukit Bilang pasakit, pasakit, pasakit. Dugo't laman mo ako, pero basura ang turing mo Basura na sa paglipas ng taon ay kukupas, pag...