Gupitin, kalbuhin na rin ang natatangi kong buhok
Ubusin, walang itirang kahit anumang poot
Lampasuhin pa ng buong ninyong lakas at himutok
Batuhin ng bato ang nag iisang buhay
At babatuhin ko kayo ng tinapay.
Batuhin ninyo ako ng putik
Sa mukha, sige, batuhin pa ninyo ng may paghagikhik
Batuhin ninyo ng kumukulong tubig
Ang taong walang kapagurang managinip
Batuhin ninyo ng bato ang hindi makahagupay
At babatuhin ko kayo ng tinapay.
Batuhin ninyo ng mga itak
At sa katawang magdamag nagpawis tumarak
Batuhin ninyo ng batuhin
Hanggang sa lumuha at ang lupa ay diligin
Batuhin ninyo ng bato ng walang humpay
At babatuhin ko kayo ng tinapay.
Batuhin ninyo ako
Batuhin ninyo na ang mga nagsisilakihang bato
Batuhin ninyo ako
Batuhin ninyo na ang mga putik sa galit ninyo'y kumukulo
Batuhin ninyo ng bato ang aking buhay
At babatuhin ko kayo ng tinapay.
Bato, batuhin, pagbabatuhin
Patay, patayin, pagpapatayin
Sa kamatayan paos na ang takot
Sa buhay ninyo man ito'y bangungot
Batuhin ninyo ng bato, sa ataul ay ihimlay
At babatuhin ko kayo ng tinapay.

Comments
Post a Comment